ANG PANGARAP NI INDAY BADIDAY
Abstract
Si Inday Badiday ay isang batang makulit at madalas pasaway. Lagi niyang pinapainit ang ulo ng kanyang mga magulang na sina Nanay Mimay at Tatay Boboy. Tamad siyang gumawa ng mga gawaing bahay, lalo na sa pag-aaral.
Isang araw, nagsimula na ang klase ngunit si Inday Badiday ay nahuli sa paggising.
“Inday! Bumangon ka na, baka mahuli ka sa klase!” sigaw ni Nanay Mimay.
“Nay, tinatamad pa ako. Huwag na lang kaya akong pumasok,” sagot ni Inday.
Sa pagpupumilit ni Nanay, napilitan si Inday na maghanda at lumakad papuntang eskwelahan. Habang naglalakad, marami siyang nakasalubong na tao.
Sa bukid, nakita niya ang magsasaka na nag-aararo.
“Inday, mag-aral ka nang mabuti. Gusto mo bang maging katulad ko?” tanong ng magsasaka.
Napaisip si Inday: “Gusto ko bang maging magsasaka?”
Sa tabing-dagat, nakasalubong niya ang mangingisda na naglulunsad ng bangka.
“Inday, mag-aral ka nang mabuti. Gusto mo bang maging katulad ko?” tanong ng mangingisda.
Naisip niya: “Gusto ko bang maging mangingisda?”
Sa pamilihan, bumili siya ng pagkain.
“Inday, mag-aral ka nang mabuti. Gusto mo bang maging katulad ko?” sabi ng tindera.
Naisip niya: “Gusto ko bang maging tindera?”
Nang may sunog, nakita niya ang mga bombero na tumulong.
“Inday, mag-aral ka nang mabuti. Gusto mo bang maging katulad ko?” sabi ng bombero.
Naisip niya: “Gusto ko bang maging bombero?”
Habang naglalakad, hindi namalayan ni indaya ang nakausling bato sa daan. Siya ay nadapa at nasugatan ang tuhod. Tinulungan siya ng nars.
“Inday, mag-aral ka nang mabuti. Gusto mo bang maging katulad ko?” sabi ng nars.
Naisip niya: “Gusto ko bang maging nars?”
Sa daan, isang pulis ang tumulong sa kanya upang makarating sa eskwelahan.
“Inday, mag-aral ka nang mabuti. Gusto mo bang maging katulad ko?” sabi ng pulis.
Naisip niya: “Gusto ko bang maging pulis?”
Sa wakas, nakarating si Inday sa klase. Ang paksa ng kanilang guro ay tungkol sa mga taong tumutulong sa komunidad. Naalala niya ang lahat ng nakasalubong niya—magsasaka, mangingisda, tindera, bombero, nars, at pulis.
“Inday, mag-aral ka nang mabuti. Gusto mo bang maging katulad ko?” tanong ng guro.
Napaisip si Inday: “Gusto ko bang maging guro?”
Pag-uwi, masaya niyang sinabi sa mga magulang:
“Nay, Tay, mag-aaral na ako nang mabuti. Hindi na ako magiging pasaway. Gusto kong tuparin ang aking pangarap.”
At mula noon, naging masipag na si Inday Badiday sa kanyang pag-aaral. Ang kanyang pangarap:
“Gusto kong maging GURO.”